9 April 2018

Reference: Dan Balucio, BAYAN-Bicol

0933 – 290 – 9719

 

BICOL CARAVAN 2018: BICOLANO, LABANAN ANG CHA-CHA AT DIKTADURA!

 

Nilunsad ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Bicol ang “Caravan ng Mamamayang Bicolano Laban sa Cha-Cha at Diktadura ng Rehimeng US-Duterte” ngayong ika-8 hanggang 13 ng Abril kasama ang iba’t ibang progresibong grupo sa rehiyon.

Bahagi ng caravan ang paglulunsad ng mga maikling programa at serye ng edukasyon sa bawat distritong madadaanan ng iba’t ibang sektor sa Sorsogon ngayong Abril 9, sa Albay naman sa Abril 10, Camarines Sur sa Abril 11 at sa Camarines Norte sa Abril 12.

Magsasagawa ng torch parade at solidarity night sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte kung saan ipapalabas din dito ang mga maikling bidyo na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mamamayang Bicolano lalong naghihirap dahil sa Train Law.

Lumahok dito ang malawak na pwersa ng panrehiyunal na pormasyon ng mga progresibong grupo sa hanay ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan at iba pa.

Samantala sa Masbate, maglulunsad ng pang-probinsyal na caravan bilang pakikiisa sa panrehiyunal na pagkilos.

“Bahagi ito ng protesta upang ilantad, biguin at labanan ang panukalang Charter Change ng rehimeng US-Duterte,” ayon kay Dan Balucio, BAYAN-Bicol.

“Kung susumahin, pahirap lang ang Train Law at walang anumang pakinabang ang mamamayan sa itinutulak na Cha-Cha ng rehimeng US-Duterte bagkus kapahamakan ang dulot nito,” ayon kay Balucio.

Dagdag ni Balucio, tanging mga naghaharing uri sa bansa — burukrata kapitalista, malalaking negosyante, lokal at dayuhan, at malalaking panginoong maylupa — ang totoong makikinabang sa mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon.

“Hindi malulutas ng Cha-Cha ni Duterte ang problema sa malawak na kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho’t mababang sahod, kurapsyon, kawalan ng lupa at mataas na presyo ng mga bilihin. Katunayan, lalo lamang nitong palalalain ang mga problema ng bansa,”ayon kay Balucio.

Nananatiling walang dagdag sahod lalo na ang mga mininimum wage earners tulad na lamang sa Bicol na nakapako pa rin sa P290 kada araw. Tuluyan nang tinalikuran ang pangakong pagwawakas sa ENDO o kontraktwalisasyon dahil sa pagpabor sa ENDO King na si Henry Sy at pamamayagpag ng mga SM malls sa mga mayor na probinsya ng Camarines Sur, Albay at Sorsogon dito lamang sa Bicol.

Pasismo,pandarahas at diktadurya ang sagot ng gobyerno ni Duterte sa mamamayang lumalaban, sa Bicol pa lamang mula Pebrero- Disyembre 2017, 160 na ang naitalang paglabag sa karapatang pantao, 39 kaso ng pamamaslang (13 dito ay mga kabataan,kababaihan at matatanda), 10 kaso ng tangkang pamamaslang at 10 kaso ng tangkang pagdukot.

Sa Bicol pa lamang nakapagtala ng 909 kaso ng rape mula Enero- Nobyembre 2017 ang PNP-RO V. Nangunguna ang CamSur na may 247, Albay-119, Masbate ay 98 rape cases. Liban pa dito ang mga unreported cases sa kanayunan at di pa nagpa-blotter sa pulisya.

“Makasarili ang layunin ng Cha-Cha. Ibayong kapangyarihan at poder ito para sa mga nagsasamantala’t nang-aapi sa sambayanan. Daan ito tungo sa pasistang diktadura,” dagdag ni Balucio.

“Sa harap ng papatinding hambalos ng krisis sa kabuhayan at pagyurak sa ating karapatan, higit na makatarungan na tumindig at lumaban. Tanging sa sama-samang pagkilos tayo sasandig para tuluyang ilantad, ihiwalay hanggang sa tuluyang mapatalsik sa poder ang pahirap at pasistang rehimeng US-Duterte,” pagtatapos ni Balucio.

 

##BicolCaravan2018

 

#HaboSaChacha

 

#PeaceTalksItuloy

 

#TrainLawIbasura