Pahayag a Midya

 

July 24, 2018

 

Reference: Dan Balucio, BAYAN-Bicol

 

Sadyang di naglahad ng konkretong accomplishment si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address sapagkat talaga namang wala. Lalong nalugmok sa kahirapan ang dati ng mahihirap na pamilyang Pilipino dahil sa epekto ng TRAIN Law. Ang kanyang ipinangangalandakang independent foreign policy  ay ang pagkakaroon ng dalawang Imperyalistang amo, ang Estados Unidos at Tsina. Lalo pang umalagwa ang paglabag sa karapatang pantao dahil sa impunidad ng State Security Forces. Ang ipinagyayabang niyang regularisasyon sa 300,000 mahigit na contractual workers ay hindi naman sa mga principal employers kungdi sa mga labor contracting agency lamang.  Malinaw na sinabi niya na tanging ang mga illegal contractualization ang tinarget ng kanyang adminstrasyon sa kampanyang ENDO at hindi ang ligal na contractual workers. Ang pag-utos niya sa Kongreso na gumawa ng batas laban sa kontraktwalisasyon ay pagtanggap sa kabiguang wakasan ang ENDO.

Kanyang binigyang-diin ang mga prayoridad ng kanyang administrasyon sa natitirang apat (4) na taon sa pwesto – war on drugs, kriminalidad, terorismo at korapsyon. Sinabi niyang lalupang magiging unrelentless at chilling ang gyera kontra droga. Maraming buhay pa ng mahihirap na drug suspects ang itutumba  habang wala namang malalaking drug lords ang napapanagot sa husgado.

Ipinagmamalaki ni Duterte ang pagpasa ng Kongreso sa Bangsamoro Basic Law (BBL) na kanyang lalagdaan sa loob ng 48 oras matapos niyang mareview at ito raw ang hahawan sa landas tungo sa kapayapaan sa Mindanao. Kabalintunaan ito sapagkat nagpapatuloy ang all-out war ng AFP sa Mindanao na nagdudulot ng sapilitang paglikas ng mga Lumad, pagpaslang sa kanilang mga lider, at pag-okupa sa mga paaralan dahil sa masinsing operasyon militar at aerial bombing.  Tanging layunin nito ay itaboy ang mga Lumad sa kanilang ancestral domain at ibigay ang malalawak na lupain sa mga malalaking  kumpanya  sa plantasyon at pagmimina.

Kategorikal na itinutulak niya ang pagratipika sa Charter Change sa tabing ng pederalismo at hindi raw siya maghahangad ng termino lampas sa itinakda ng Konstitusyon.  Malinaw sa panukalang Charter Change na tiyak ang term extension ni Duterte una sa ilalim ng transitory provision nito, at sa regular na eleksyon ay maari pa siyang tumakbo ng dalawang magkasunod na termino na may tig-apat na taon bawat termino. Ang Charter Change ang magtitiyak sa konsolidasyon at pagsentro ng Estado Poder kay Duterte tungo sa pagiging ganap na diktador.

Pabalat-bunga ang sinabi niyang ipatitigil na niya ang open pit mining sapagkat sinisira nito ang kalikasan at magkakaroon daw ng major reforms sa mining industry subalit hindi naman niya ipinag-utos sa Kongreso na ibasura ang Mining Act of 1995.

Ang pagpalit ng liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso mula kay Pantaleon Alvarez tungo kay Gloria Macapagal Arroyo (GMA) ay nagpapakita ng bitak sa hanay ng pangkating Duterte na resulta ng pag-aagawan sa poder ng mga naghaharing uri. Matunog ang alingasngas na si Sarah Duterte ang nasa likod ng coup de’tat na ito kay Alvarez. Ito ay bahagi ng konsolidasyon ng dinastiya sa  pulitika ng pamilya Duterte at mga kaalyado nito.

Si Gloria Macapagal-Arroyo ay isang korapto, magnanakaw at mandaraya sa eleksyon. Sa 9-taong panunungkulan niya bilang pangulo, ang kanyang administrasyon ay naging notorious human rights violator dahil sa kontra-insurhensyang Oplan Bantay Laya I & II. Ang Electricity Power Industry Reform Act (EPIRA) Law, ang unang patakarang neoliberal niya bilang pangulo.

Noong kanyang kapanahunan bilang Senador ay instrumento siya sa pagpasa ng mga batas na kontra-mamamayan, kontra-nasyunal at tagapagtangkilik ng mga patakarang neoliberal gaya ng Mining Act of 1995.

Sa muling pagbabalik ni GMA sa mas mataas na liderato, makakatandem sya ng pasista’t tiranikong rehimeng US-Duterte. Magiging madulas ang pagpasa ng mga mapanupil, kontra-mamamayan, anti-demokratiko at anti-nasyunal na mga batas. Tahasang magbubunga ito sa malawakang pagsupil at matinding paglabag sa karapatang pantao at mas matinding kahirapan sa sambayanan.

Ibayong pagkakaisa at pagkilos ng mamamayan ang tanging paraan para wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala ng diktadurang rehimeng China/US-Duterte.