Pahayag sa Midya
Bicolana Gabriela Reference:
Nica Ombao, Regional Coordinator
0998 945 6645
Gugunitain ng mga kababaihan ang Marso 8 sa buong daigdig bilang paggunita sa makasaysayang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Kasama ang Bicolana Gabriela, muli nating irerehistro ang paninindigan ng mga kababaihan para sa trabaho, dagdag na sahod at pagpapababa ng mga pangunahing bilihin.
Noong ika-8 ng Marso 1971 sa Pilipinas, nagmartsa ang libu-libong mga kababaihan sa ilalim ng diktaduryang Marcos sa pangunguna ng KATIPUNAN dahil sa matinding kahirapan at malawakang karahasan at paglabag sa karapatang pantao.
Ngayong naranasan na natin ang halos isa’t kalahating taon ng rehimeng US Marcos Jr., masasabi natin na naging busabos ang kalagayan ng mga Pilipino. Ito ay dahil sa malalang krisis na nararanasan ng buong bayan dahil sa di maampat na pagtaas ng inflation rate o pagtaas ng mga pangunahing bilhihin sa buong bansa. Di makaagapay ang P365-641 na arawang sahod ng mga manggagawa sa P1,188 na family living wage na may 5-6 na miyembro sa pamilya.
Ayon sa International Monetary Fund (IMF), mula 4.7 percent noong nakaraang taon patungo sa 5.1 percent ngayong 2024 ang unemployed o walang trabaho. Karaniwan sa mga kababaihan ay kabilang sa retail at wholesale industry o nagtatrabaho sa malls at kontraktwal, pinapasok rin ang informal sectors tulad ng mga tindera o online sellers, pagiging OFW o pakikipagsapalaran sa ibang bansa para mapag aral ang mga anak at magkaroon ng mabuti-buting pamumuhay.
Kahit ang mga empleyado ng gobyerno at iba pang nasa middle class ay umaaray na rin. Kahit pa sabihin ng gobyerno na nasa 3.1 percent na lamang ang inflation rate sa Bicol, mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas na umabot na sa P55-65 ang kilo na siya namang pangunahing pagkain sa ating mga mesa.
Kawalan ng lupa, mababang presyo ng mga produkto, dislokasyon, land use conversion at pasistang atake naman ang nararanasan ng mga magsasaka natin, dagdag pa ang pahirap na Rice Liberalization Law. Nakaamba rin ang malawakang jeepney phaseout sa sektor ng transportasyon na papatay sa kabuhayan ng mga kasama nating mga drayber at operator.
Sa Bicol, patuloy pa rin ang mga paniniktik o mga surveillance, pagpunta sa mga bahay ng mga aktibista, pagpapatawag sa barangay at pagpapasuko diumano sa mga “front” o supporter ng NPA. Sa pangunguna ng NTF-ELCAC, kasabay ang mga militar, ang mga nabanggit ay ginagawa nila sa mga aktibista na nananawagan para itaas ang sahod at ibaba ng presyo ng mga bilihin, nananawagan ng paggalang sa karapatang pantao, kalayaan at kasarinlan.
Sa halip na tugunan ang krisis at problema ng kanyang mamamayan, mahigpit na isinusulong ng mga alipures ni Marcos Jr. sa Kongreso ang CHA-CHA o pagbabago sa saligang batas ng Pilipinas. Pansariling interes at pagpapalawig ng termino at pagkamal ng ganansya at kapangyarihan ang pinag-aagawan.
Ang CHA-CHA ay di naman makakaresolba sa kawalan ng lupa ng mga magsasaka bagkus makakapagpalala pa dahil sa mga probisyon dito tulad ng pagpayag sa 100% dayuhang pagmamay-ari sa lupa. Di rin maampat ng CHA-CHA ang napakamahal na presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas at di rin nito matutugunan ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod at benepisyo.
Hindi pagbabago ng konstitusyon ang kailangan kundi tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang kailangan ng mamamayan ay aksyon at batas na makakapawi sa kahirapan at kagutuman, pagkilala at paggalang sa demokrasya at karapatang pantao, at pagtatanggol sa pambansang soberanya at kasarinlan.
Makatwiran ang sama-samang pagkilos at paglaban para sa kabuhayan, karapatan at kasarinlan.
LABANAN AT TUTULAN ANG CHA-CHA!
SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA!
WAKASAN ANG KONTRAKTWALISASYON! NTF-ELCAC, BUWAGIN!
KARAHASAN LABAN SA KABABAIHAN, WAKASAN!